Muling binuhay ni Senador Antonio Trillanes IV ang isyu sa umano’y mahigit dalawang (2) bilyong pisong bank accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Trillanes na malakas ang kanyang loob lalot validated at may mga bago siyang ebidensya na magpapatunay sa mga umano’y tagong yaman ng Pangulo.
Ayon sa Senador, ang bilyong – bilyong pisong bank accounts ng Pangulo ay mula sa mga donasyon sa kampanya mula 2006 hanggang 2015 kung saan kabilang sa mga nagbigay ng pera aniya ay ang isang negosyante sa Davao na kinilalang si Sammy Uy.
Hanggang sa ngayon ay hinihintay ni Trillanes na tuparin ng Pangulong Duterte ang pahayag nito noong panahon ng kampanya na patutunayang wala siyang itinatagong bilyones sa bangko.
“Malakas ang loob ko na magbigay ng hamon dahil sigurado ako. Ipakita mo na malinis ka.” Ani Trillanes
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senador Antonio Trillanes
Tiniyak din ni Trillanes na umpisa pa lamang ito at hindi tatantanan si Pangulong Duterte dahil sa kanila pang sinisiyasat ang ilan pang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng punong ehekutibo.
“Makikita mo ang pattern ng behavior, ganito yan, kung naniniwala ka na hindi corrupt si President Duterte noong Mayor siya, dapat hindi siya corrupt ngayon, dapat may ginagawa siya sa korapsyon ngayon.” Dagdag ni Trillanes
Sa huli, nangako si Trillanes na magbibitiw siya sa puwesto bilang senador sa oras na mali ang kanyang mga akusasyon laban sa Pangulong Duterte.
“Ako ay naghamon noon na i-prove niya na ako ay mali…It’s been nine months since, wala pa rin. Inuulit ko ang aking hamon na patunayan niya na mali ako, na meron siyang higit na P2 bilyon sa kanyang bank accounts, pagka nailabas ‘yung transaction history niya at ako ay mali, ako ay magre-resign sa Senado.” Pahayag ni Trillanes
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senador Antonio Trillanes
Trillanes nagpapapansin lamang kay Pangulong Duterte—Cayetano
Sinupalpal ni Senador Alan Peter Cayetano ang panibagong mga pasabog ng kanyang kapwa senador na si Antonio Trillanes IV
Ito’y makaraang ungkating muli ni Trillanes ang mga umano’y kuwestyunableng bank accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte noong siya’y alkalde pa ng Davao City.
Ayon kay Cayetano, kumpiyansa siyang isa na naman itong uri ng propaganda ng mga kritiko ng pangulo para pabagsakin siya sa puwesto.
Giit ni cayetano, matagal nang napatunayan ng Pangulo na hindi totoo ang mga ipinaparatang laban sa kanya ni Trillanes at naipaliwanag na ito sa publiko.
Naniniwala rin si Cayetano na tila nagpapa-pansin lamang si Trillanes sa Pangulo upang maging malapit sila at maisulong ang kaniyang personal na agenda.
By Ralph Obina | Jaymark Dagala | with report from: Cely Bueno (Patrol 19)