Nakapaglagak na ng P10,000 piyansa si Senador Antonio Trillanes IV ngayong araw.
Ito ay kasunod ng inilabas warrant of arrest laban sa senador ng Makati City Regional Trial Court Branch 142 na nag-ugat naman sa kasong libelo na isinampa ni dating Makati Mayor Junjun Binay.
Sa panayam ng media kay Trillanes, nanindigan ang senador na isa itong panggigipit mula sa mga Binay.
Giit ni Trillanes, taktika lamang ito ng mga Binay para guluhin ang mga kalaban nila sa pulitika at para tumaas aniya ang ratings ng Bise Presidente.
Aniya, sisiguraduhin niyang hindi na makakahawak pa ng puwesto sa gobyerno ang mga Binay at ipapaalam niya ang tunay na pagkatao ng mga ito.
Samantala, wala pa namang natatanggap na anumang arrest warrant si Trillanes at hahayaan niya lamang daw na dumating ito.
Handa si Trillanes na harapin ang mga Binay sa kahit saang korte at tanggap niya rin kung sa Makati RTC diringgin ang kasong libel kaharap ang mga Binay.
Matatandaang kaninang umaga lang dumating sa bansa ang senador mula sa isang international forum sa Los Angeles sa Amerika.
(Details from Allan Francisco)