Nakahanda si Senador Antonio Trillanes IV na harapin, sakaling may maghain ng ethics complaint laban sa kanya.
Kasunod ito ng pahayag ni Senador JV Ejercito na napapanahon nang idulog sa Senate Ethics Committee ang pagtawag ni Trillanes sa senado bilang lap dog ng Duterte administration.
Patutsada ni Trillanes, kung sa tingin ni Ejercito na offensive ang kanyang mga sinabi ay bakit tila wala itong nakitang mali sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa rape sa harap ng mga sundalo.
Aniya, mukhang may malaking problema sa pagtukoy kung ano ang offensive at hindi.
Sotto may paalala kay Trillanes
Nakahanda ang Senate Ethics Committee na aksyunan ang naging paratang ni Senator Antonio Trillanes na ang senado ay tuta ng Duterte administration at pagtawag na duwag sa mga kapwa senador.
Ito’y ayon sa pinuno ng nasabing komite at Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, bagamat mas makabubuti aniya kung may maghahain ethics complaint laban kay Trillanes.
Aniya, mahirap kung umaksyon ang komite batay lamang sa ulat ng media kaugnay sa mga naging paratang ni Trillanes.
Kasabay nito, muling pina-alalahanan ni Sotto si Trillanes na maging maingat sa pag-aakusa at pagbabansag ng kung ano-ano sa mga kapwa mambabatas.
Dapat aniya, tandaan ng senador na sa tuwing nanduduro o nagtuturo sa iba ay tatlo sa mga daliri nito ang nakaturo pabalik.
By Krista De Dios | With Report from Cely Bueno