Nanindigan si dating senador Antonio Trillanes na hindi nya naging abogado si Atty. Jude Sabio –ang umurong na complainant sa kaso laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Aminado si Trillanes na nagkaroon ng pagkakataon na binigyan nya ng allowance si Sabio na mula P75,000 hanggang P100,000 subalit hindi na nya ito kinayang i-maintain matapos ang termino nya bilang senador.
Ito anya ay bilang tulong lamang nya kay Sabio subalit hindi bilang bayad sa pagiging abogado nito.
Malabo rin anya ang sinisingil sa kanya ni Sabio na legal fees para sa pag-aabogado kay Edgar Matobato, isa sa mga nangumpisal na miyembro ng Davao Death Squad dahil hindi naman sya ang kumuha sa serbisyo nito.
Binalaan ni Trillanes si Sabio na hindi sya mangingiming kasuhan ito kung magpapatuloy ito sa pagpapakalat ng mga kasiraan laban sa kanya.
Kumbinsido si Trillanes na ang mga problema ni Sabio sa pera ang dahilan kaya’t nakuha sya ng administrasyon at binawi ang reklamo nya sa ICC laban sa pangulo.
Malinaw naman anya na si Atty. Larry Gadon, na kilalang supporter ng administrasyon, ang kasama ni Sabio nang iurong nya ang kaso sa ICC.