Wala nang atrasan ang pagtakbo bilang Bise Presidente ni Senador Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Trillanes, desisdido na siyang sumabak sa mas mataas na posisyon.
Gayunman, sinabi ni Trillanes na partido pa rin nilang Nacionalista Party ang masusunod at ang mahalaga sa ngayon ay naipahayag na niya ang kanyang intensyon sa pagtakbong Pangalawang Pangulo sa 2016.
Matatandaang kapartido ni Trillanes sina Senador Alan Peter Cayetano at Bongbong Marcos na maugong ding tatakbo bilang Pangulo naman sa susunod na taon.
“Pero kailangan din po kasi muna magdeklara ka ng intensyon na gusto mo at handa ka, kasi kailangan po dito hindi ka pinipili lang kahit ayaw mo, hindi po pupuwede ‘yun, ang pamumuno ng ating bansa ay pinaghahandaan, hindi lang po academically, intellectually o emotionally, kailangan pong hindi napipilitan para kapag nandiyan ka na sa puwesto, talagang alam mo ang gagawin mo.” Ani Trillanes.
Banat kay Binay
Huwag akong itulad sa kanya.
Ito ang buwelta ni Senador Antonio Trillanes IV sa pahayag ng kampo ni Vice President Jejomar Binay na dapat sagutin nalamang ng senador ang mga kasong kinakaharap nito ngayon.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Trillanes na itong si Binay ang hindi sumasagot sa kaliwa’t kanang akusasyon na ibinabato dito.
Hanggang sa ngayon, sinabi ni Trillanes na bigo pa rin si Binay na humarap sa pagdinig ng senado ukol sa umano’y maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building 2, Makati Science High School, mansyon sa Batangas at iba pa.
“Eh sinasagot naman po natin eh, in fact kahapon ay nasa DOJ ako para sumpaan ang aking sagot, alam niyo iba’t ibang kaso ang ifi-nile sa akin ng grupo nila pero ito ay para i-distract ako at i-harass ako, pero hindi po tayo natitinag, lalabanan po natin ‘yan at titindigan natin ‘yan.” Dagdag ni Trillanes.
“May karapatan naman tayo na magpalipat ng venue”
Samantala, pinanindigan ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV ang hirit nito sa Korte Suprema na ilipat sa ibang lugar ang pagdinig sa kasong sibil na inihain ni Vice President Jejomar Binay laban sa kanya.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Trillanes na sinunod lang niya ang payo ng kanyang mga abogado na ipalipat sa Maynila ang pagdinig sa P200-million damage suit.
Giit ni Trillanes, naniniwala siya na hindi sila makakakuha ng paborableng desisyon kung sa Makati City isasagawa ang pagdinig lalo pa’t naghari ng 30 taon ang mga Binay sa naturang lungsod.
Isiniwalat din Trillanes na nagbibigay umano ang Binay administration sa Makati ng allowances, mga benepisyo at pabuya sa mga hukom.
“Tayo rin naman ay may karapatan under the legal processes na magpalipat ng venue kung sa palagay natin ay yung environment ay hindi conducive for a fair trial.” Pahayag ni Trillanes.
By Ralph Obina | Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit