Bumuo na ng task force ang pamahalaang lungsod ng Marikina na siyang mangangasiwa sa warehouse o bodega na pag-iimbakan ng mga mabibili nilang bakuna kontra COVID-19.
Ito ang inihayag ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro makaraang kumpirmahin nito na lalagdaan na niya ang tripartite agreement sa isang kumpaniyang gumagawa ng bakuna kontra COVID-19 gayundin sa Department of Health.
Gayunman, tumanggi munang idetalye ni Teodoro kung saang kumpaniya sila kukuha ng bakuna bilang paggalang sa nilagdaan nilang non disclosure agreement.
Siguro kapag nakapaglagda na kami ng tripartite agreement ay ito na ang pagkakataon na maisiwalat o maisapubliko lahat ng mga impormasyon na ito. Ganito yung mga proseso na dinadaanan ng mga LGU kapag nag-uusap tungkol sa vaccine at pinag-uusapan yung kanyang pagbili nito, ito yung standard procedures ng mga pharmaceutical na nagsu-supply ng vaccine,” ani Teodoro.
Hinihintay na lamang nila ang pormal na pahayag mula sa Food and Drug Administration upang maikasa na ang clinical trials para sa bakuna sa kanilang lungsod.
Sakaling maaprubahan ng FDA, inaasahang mairo-rollout na ang hindi pa tinukoy na bakuna sa ikatlong quarter ng taong kasalukuyan.
P82.7-M ang inilaan namin noong nakaraang Nobyembre 2020, nung inapruba namin yung budget para sa ngayong taong 2021 at kung kailangan magdagdag meron kaming supplemental budget na pwede pang idagdag siguro na mga P100-M. Doon sa mabibili naming vaccine kung gaano ka-cost effective dahil iba-iba ang presyo ng vaccine,” ani Teodoro.