Ipinawalang bisa ng Korte Suprema ang Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) sa pagitan ng Pilipinas, China at Vietnam.
Sa botong 12-2-1, inihayag ng Supreme Court en banc na labag sa batas ang nabanggit na kasunduan dahil pinayagan nitong lumahok ang 100% na foreign corporations para sa paghahanap ng likas na yaman nang hindi tumatalima sa safeguards na inilaan ng 1987 Constitution ng Pilipinas.
Ang JMSU ang kasunduan sa pagitan ng Philippine National Oil Company, China National Offshore Oil Corporation at Vietnam Oil Gas Corporation, para sa Oil explorations sa West Philippine Sea.
Nakasaad sa isang clause ng kasunduan ang pagsasagawa ng joint research kung may langis sa naturang lugar.
Gayunman, nanindigan ang SC na malinaw na nilabag ng JMSU ang Section 2, Article 12 ng saligang batas na nagsasaad na ang mga Exploration, Development at Utilization ng Natural Resources ay dapat nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng estado.
Nag-ugat ang kaso sa Petition for Certiorari and Prohibition na inihain nina dating Bayan Muna Partylist Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño.