Dinagdagan pa ng militar ang mga idiniploy nitong sundalo sa Marawi City kasunod ng pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagang makipagnegosasyon sa Maute Group para matuldukan na ang krisis sa siyudad.
Noong Sabado, dalawang (2) grupo mula sa 82nd Infantry Battalion ng Phillipine Army mula sa Iloilo City ang tumulak sa Marawi para magsilbing reinforcement.
Sa muling pagharap ng Pangulo sa publiko, sinabi nitong naiintindihan niya kung bakit ganoon na lamang kadesperado ang mga relihiyoso at pulitikal na lider ng mga Maranao sa kanilang planong kausapin ang mga Maute.
Ngunit iginiit nito na hindi sya makikipag-usap sa mga Maute at iba pang teroristang grupo sa halip ay dapat na papanagutin ang mga ito.
Sinabi naman ng Pangulo na hindi na hahadlangan ang planong pakikipag-usap ng mga Maranao leaders.
Amerika target na magbigay ng karagdagang tulong sa PH
Target ng Amerika na magbigay ng karagdagang tulong sa Pilipinas sa kampanya nito kontra teroristang Maute ISIS sa Marawi City.
Sinabi ni Republican Senator Joni Ernst na target ng ISIS na magpadala pa ng mga foreign fighters sa rehiyon para lalo pang makapagpalakas sa grupo.
Kaugnay nito, isinusulong ng mga Republican Senators na bigyan ng karagdagang ayuda ang AFP o Armed Forces of the Philippines upang mapigilan ang planong pagpapalawak ng ISIS.
Sinabi naman ni Defense Secretary Jim Mattis na nanatiling nasa advise and assist role ang puwersa ng US Army sa nangyayaring labanan sa naturang lungsod.
Iginiit nito na tanging aerial surveillance lamang ang papel ng Amerika sa naturang giyera.
By Rianne Briones