Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang Tropical Depression na pinangalanang “Marilyn”.
Ayon sa PAGASA, dakong 9:30 a.m. nang pumasok ito sa PAR.
JUST IN: Tropical Depression #MarilynPH, pumasok na sa Philippine Area of Responsibility | via @dost_pagasa pic.twitter.com/tg9KX1cs3S
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 12, 2019
Huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Marilyn sa layong 1,355 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
May taglay ito ng lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugso namang aabot sa 70 kph.
Kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.
Magdadala naman ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan at pabugso-bugsong malakas na buhos ng ulan ang trough o buntot nito sa halos buong bahagi ng Luzon kabilang na ang Metro Manila, Visayas, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, Northern Mindanao at Soccsksargen.
Pinapayuhan naman ang mga residente sa mga naturang lugar na mag-ingat dahil sa posibleng maranasang pagbaha at flashfloods.
Mapanganib ding pumalaot sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa central at eastern seaboards ng Visayas at northern, eastern, at southern seaboards naman ng Mindanao.
Malabo rin ang tiyansang maglandfall sa bansa ang Tropical Depression Marilyn at inaasahang makalalabas na ito ng PAR sa Martes.