Natunaw na ang tropical depression Maymay habang napanatili naman ang lakas ng bagyong neneng at patuloy na tinatahak ang kanluran-hilagang kanluran ng bansa.
Huling namataan ang bagyong Neneng kaninang alas-singko ng umaga sa layong 1,015 kilometers silangang bahagi ng extreme northern Luzon.
Ayon kay Pagasa weather specialist Daniel James Villamil, si bagyong Neneng ay may lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo patungo sa bahagi ng kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
Posible namang maglandfall si bagyong neneng sa bahagi ng Babuyan Islands o Batanes kaya’t pinag iingat ang publiko na nakatira sa nabanggit na lugar.
Samantala, isa pang bagyo ang binabantayan ng pagasa na nasa labas ng philippine area of responsibility o par na huling namataan sa layong 405 kilometers hilaga-hilagang-kanluran ng Pagasa Island, Palawan.
Ang tropical depression sa labas ng par ay may lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong aabot naman sa 70 kilometers per hour na kumikilos patungong kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Ayon sa Pagasa, patuloy na nakakaapekto sa bansa ang tropical depression na nasa labas ng PAR na nagdadala ng kaulapan kaya’t asahan ang mga pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat.
Sa ngayon, nakataas ang gale warning signal sa ilang lugar sa bansa, kabilang na ang Batanes, Cagayan, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, at Zambales kaya’t hindi muna pinapayagang pumalaot ang mga kababayan nating mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.