Ganap na ngang isang bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Virac, Catanduanes, dakong alas-8 kaninang umaga ng Martes.
Tatawagin itong Bagyong ‘Ramon’.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa mula sa Tropical Depression at magiging Tropical Storm ang Bagyong ‘Ramon’ sa loob ng 48-oras.
Huling namataan kaninang alas-10 ng umaga ang bagyo sa layong 835 kilometers silangan ng Virac, Catanduanes o 685 kilometers silangan naman ng Borongan, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 70 kph.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 10 kph.
Inaasahang makararanas bukas, Miyerkules, ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may panaka-nakang malakas na buhos ng ulan sa Bicol Region, Samar Provinces, Romblon, Marinduque at Southern Quezon.
Sa Huwebes, makararanas naman ng kaparehong panahon ang mga lugar ng Isabela, Quirino, Northern Aurora, Polillo Island, at Camarines Norte.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may pabugso-bugsong malakas na buhos ng ulan naman ang makaaapekto sa Aklan, Capiz, Romblon, Marinduque, Southern Quezon at nalalabing bahagi ng Bicol Region sa Huwebes.
Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga naturang lugar dahil sa posibleng maranasang pagbaha at landslides.
Samantala, posible namang itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal #1 sa Eastern Samar at eastern section ng Northern Samar sa susunod na weather bulletin ng PAGASA.