Napanatili ng Tropical Depression Ramon ang lakas nito habang patungong kanluran ngayong gabi ng Martes, Nobyembre 12.
Batay sa pagtala ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong sa layong 585 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
May lakas ito na hanging aabot sa 55 km/h (kilometro kada oras) malapit sa gitna, at pagbugsong aabot naman sa 70 km/h.
Inaasahan namang lalakas pa ang Tropical Depression Ramon at magiging isang Tropical Storm sa susunod na 24 oras.
Dahil dito, asahan ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may panaka-nakang malakas na buhos ng ulan sa Bicol Region at Northern Samar bukas ng Miyerkules, Nobyembre 13.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan naman na may pabugso-bugsong malalakas na ulan ang mararamdaman sa Eastern Samar, Samar, Romblon, Marinduque, at Southern Quezon sa kaparehong araw.
Pinagiingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar sa posibilidad na magkaroon ng matinding pag-baha at landlslides.