Bumagal ang kilos ng Tropical Storm ‘Ramon’ habang kumikilos pa-kanluran, hilagang-kanluran.
Batay sa tala ng PAGASA, dakong 4:00 pm huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 390 kilometers kanluran ng Catarman, Northern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour (km/h) at pagbugsong aabot naman sa 80 km/h.
Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h.
Inaasahang makararanas bukas, Huwebes, ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanues.
Samantala, mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may panaka-nakang malakas na buhos ng ulan sa Apayao, Aurora, Quezon, Buong lalawigan ng Cagayan, Isabela, at Bicol Region sa Huwebes.
Habang nakataas naman sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) 2 ang Catanduanes at signal no. 1 naman sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Eastern Samar at Northern Samar.
Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga naturang lugar dahil sa posibleng maranasang pagbaha at landslides.