Napapanatili ng Tropical Storm Ramon ang lakas nito habang binabaybay ang Philippine Sea patungong silangang bahagi ng Luzon.
Ayon sa Pagasa, huling namataan ang sentro ng bagyong Ramon sa layong 305 kilometro silangan hilagang-silangan ng Catarman, Northern Samar.
May lakas ito ng hanging aabot sa 65 km/h (kilometro kada oras) malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 80 km/h.
Asahan ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may panaka-nakang malalakas na pag-ulan sa Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, at silangang bahagi ng Cagayan at Isabela ngayong araw ng Huwebes, Nobyembre 14.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may pabugso-bugsong malalakas na ulan naman ang mararamdaman sa Apayao, Aurora, Quezon, Marinduque, at sa ibang parte ng Cagayan, Isabela, at Bicol Region.
Inaasahan na itataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Pollilio Island, Norhtern Aurora, at Eastern Isabela sa susunod na 24 oras.
Kasalukuyan namang nakataas ang TCWS No. 1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Sorsogon Eastern Samar at Northern Samar; TCWS No. 2 sa Catanduanes.
Babala ng Pagasa, delikado ang pagbyahe sa dagat, partikular sa mga maliliit na sasakyang pandagat, sa mga karagatan ng nabanggit na lugar.