Bahagyang lumakas at bumilis ang Tropical Storm Sarah habang patungong hilagang kanluran.
Huling namataan ng Pagasa ang sentro ng bagyong Sarah sa layong 440 kilometro silangan hilagang-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang hanging may lakas na aabot sa 75 km/h (kilometro kada oras) malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 90 km/h.
Patungo itong hilagang kanluran sa bilis na 35 km/h.
Dahil dito, nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang Batanes, at hilagang silangang bahagi ng Cagayan (Calayan, Aparri, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, Santa Ana, Lal-lo, at Gattaran).
Asahan ang mahina hangang sa katamtamang pag ulan na may panaka-nakang malalakas na ulan ang mararanasan sa silangang bahagi ng Cagayan at Isabela ngayong araw ng Huwebes, Nobyembre 21.
Mahina hangang sa katamtamang pag-ulan na may pabugso-bugsong malalakas na ulan naman ang mararanasan sa iba pang parte ng Cagayan at Isabela, pati na rin sa Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province at Ifugao.
Samantala ayon sa Pagasa, makakaranas rin ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Central Luzon ngayon araw dahil sa Low Pressure Area (LPA) na dating bagyong Ramon.