Ipatutupad nang muli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang truck ban simula sa Lunes, December 14.
Ayon kay MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago, nangangahulugan itong hindi na papayagang dumaan ng EDSA ang mga truck na may anim na gulong pataas mula alas 6:00 ng umaga hanggang alas 10:00 ng umaga.
Gayundin, mula alas 5:00 ng hapon hanggang alas 10:00 ng gabi.
Sinabi ni Pialago, sakop din ng truck ban maging ang bahagi ng C-5 at iba pang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila na pinangangasiwaan ng MMDA.
Samantala, sinabi ni Pialago na maglalabas pa ng hiwalay na abiso para naman sa mga itinuturing na light trucks dahil mayroon aniya itong ibang polisiya.
Magugunitang, pansamantalang inalis ng MMDA ang truck ban nitong unang bahagi ng taon para matiyak ang matatag na suplay ng mga pangunahing bilihin sa gitna ng pandemiya.