Magpapatupad ng truck ban ang mga awtoridad sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila at ilang bahagi ng Clark, Pampanga sa Nobyembre 12 hanggang 15.
Ito ay bilang bahagi ng pagtitiyak sa seguridad at pagbibigay daan sa mga delegado ng gaganaping 31st ASEAN o Association of South East Asian Nations summit.
Ayon kay Department of Interior and Local Government o DILG OIC Catalino Cuy, ipagbabawal muna ang pagdaan ng mga truck at closed vans sa EDSA mula Balintawak hanggang sa bahagi ng Magallanes interchange sa Makati.
Sinabi naman ng ASEAN committee na pansamantalang hindi papayagan ang pagdaan ng mga malalaking sasakyan sa SCTEX at NLEX mula Clark, Pampanga hanggang Balintawak, Quezon city.
Pinaalalahanan naman ni Cuy ang publiko na asahan na ang pagbigat ng trapiko sa mga designated ASEAN lanes sa Makati.
Una na ring inanunisyo ang pagpapatupad ng lockdown sa CCP Complex simula Nobyembre 11 hanggang Nobyembre 15 maging ang no sail zone sa bahagi ng Manila Bay simula bukas at tatagal hanggang Nobyembre 16.