Simula sa Martes ipatutupad na muli ang truck ban sa mga pangunahing lansangan sa buong Metro Manila.
Ayon kay Presidential Deputy Spokesperson Abigail Valte, ipatutupad ang ban sa mga truck at heavy vehicles sa lahat ng kalsada sa Metro Manila mula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at mula 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi, maliban na lamang kapag holiday at Linggo.
Hindi naman kasama sa maapektuhan ng ban ang mga truck na pa-Norte ang ruta.
Batay sa inilibas na resolusyon ng Metro Manila Council Special Traffic Committee, mahigpit na ipatutupad ang ban sa kahabaan ng EDSA at sa central business districts ng Ortigas, Makati at Bonifacio Global City. Pero maaari pa ring dumaan sa EDSA ang mga truck na patungong SLEX at NLEX.
Exempted naman sa truck ban hours ang mga truck na may kargang perishable at agricultural cargo.
Sinumang lalabag sa truck ban ay magmumulta ng P2,000. Maaari naman suspendihin ang lisensya ng driver kapag 3 beses na ang paglabag nito sa truck ban.
By: Jonathan Andal