Nakatakdang tumawag si US President Donald Trump kay Chinese President Xi Jinping para pag-usapan ang bantang nuclear attack ng North Korea.
Ayon kay Trump, anumang oras ay nakatakdang niyang tawagan ang Pangulo ng China matapos nitong makipag-usap kina US Secretary State Rex Tillerson at UN o United Nations Ambassador Nikki Haley.
Patuloy aniya ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Amerika sa China at iba pang bansa laban sa Pyongyang.
Kilalang ally ng NoKor ang China ngunit pumihit ito pabor sa pagpapataw ng sanction ng UN Security Council sa naturang komunistang bansa.
Guam’s guidelines
Samantala, nagpalabas ng guidelines ang pamahalaan ng Guam kaugnay sa posibleng nuclear attack na ilulunsad ng North Korea.
Una nang inihayag ng NoKor ng pag-atake sa Guam bilang tugon sa naging matapang na pahayag ni US President Donald Trump na matitikman ng Pyongyang ang fire at fury ng Amerika kung hindi ito titigil sa kanilang pagbabanta.
Kaugnay nito, pinayuhan ang mga residente na huwag direktang tumingin sa flash o fireball dahil ito ay nakabubulag.
Kung aabutin ng pag-atake sa labas at makontamina ng radioactive material, dapat na hubarin ang kanilang suot na damit at hugasan ng katawan sa pamamagitan ng sabon at shampoo ngunit hindi ng conditioner dahil lalo lamang didikit ang kemikal.
Pinayuhan pa ang mga resident na maghanda ng emergency plan at supply kits at magkaroon ng listahan ng mga konkretong istruktura na maaring pagtaguan.
Tinatayang 160,000 o 40 porsyento ng kabuuang populasyon ng mga Pilpinong naninirahan sa naturang teritoryo.
By Rianne Briones