Nakatakda nang bumuo ng trust fund ang Bureau of Immigration (BI) na ipangbabayad sa sahod at overtime ng kanilang mga empleyado.
Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang veto message ang pagbuo ng Immigration ng trust fund mula sa makokolektang express lane fees at iba pang charges.
Ngunit paglilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan muna itong sumailalim sa pagsusuri ng Department of Justice (DOJ), Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) para sa bubuuing guidelines ng trust fund.
Dagdag pa ni Roque, patunay lamang ito na hindi pinababayaan ng Pangulo ang kapakanan ng mga kawani ng gobyerno.
Matatandaang noong Mayo ay nagsuot ng kulay pulang arm band ang mga immigration officer sa lahat ng points of entry at exit ng bansa.
Ayon sa Immigration Officers Association of the Philippines (IOAP) at Buklod ng mga Kawani ng Commission on Immigration and Deportation (BUKLOD-CID), ito ay upang maipaalala sa Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kalunos–lunos na sitwasyon.
Sinabi ng grupo sa kanilang open letter na maliban sa nananatiling mababa ang kanilang sahod, umaasa pa rin silang maipagkaloob na sa kanila ang kanilang overtime pay.
Sa kabila nito, nilinaw ng grupo na hindi sila nagpo–protesta at kanila pa ring itutuloy ang trabaho.