Walang banta sa seguridad sa bansa ang mga manggagawang Tsino ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito ang inihayag ng grupong Associated Labor Union – Trade Union of the Philippines (ALU – TUCP), batay na rin sa kanilang isinagawang pagsasaliksik.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, pawang mga batang nais lamang kumita at hindi mga secret agent ang mga POGO Chinese workers.
Aniya, walang pakialam sa kanilang pamahalaan ang mga nasabing manggagawa at nais lamang magtrabaho sa Pilipinas.
Kaugnay nito, iginiit ni Tanjusay na dapat pangalagaan ang POGO industry na maaari rin aniyang pagmulan ng karagdagang trabaho sa mga Pilipino tulad ng mga back office position at maintenance ng mga computer.
Iminungkahi rin ni Tanjusay ang pagtatatag ng isang government-backed committee na tututok sa POGO at maisasama sa polisiya ang pagtitiyak na may mga Pilipinong manggagawa ang makakapagtrabaho sa mga ito.