Inalis na ng PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang tsunami alert sa 21 lalawigan na nakaharap sa Pacific Ocean matapos ang pagtama ng magnitude 8.2 na lindol sa Mexico.
Ayon sa PHIVOLCS, hindi umabot ng isang metro ang taas ng alon sa eastern seaboard kaya’t wala ng banta ng pagtama ng tsunami.
Magugunitang inilabas ang alerto dahil sa pangambang umabot sa Western Pacific Region ang naglalakihang alon.
Tinatayang 30 na ang nasawi sa pagtama ng lindol na pinakamalakas na pagyanig na naitala sa nakalipas na tatlong dekada.
Samantala, tiniyak naman ng Philippine Embassy na ligtas ang mga Filipino sa Mexico lalo’t malayo ang pagyanig sa Mexico City kung saan matatagpuan ang mayorya ng mga Pinoy na naninirahan o nagtatrabaho sa naturang bansa.
SMW: RPE