Matumal pa rin umano ang kita ng ilang jeepney driver sa ikatlong araw ng pagpapatupad ng 70% passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan.
Kabilang sa mga kapansin-pansin ang matamlay na biyahe sa university belt sa Maynila dahil wala pang face-to-face classes bunsod ng banta ng COVID-19 pandemic.
Inaabot din umano ng isang oras bago bumiyahe ang mga jeepney dahil sa paghihintay ng mga pasahero.
Binatikos naman ni Employers Confederation of the Philippines president Sergio Ortiz-Luis ang nabanggit na polisiya ng Department of Transportation.
Ayon kay Luis, dapat ay pinaghandaan ng DOTr sa halip na biglain ang pagpapatupad ng additional capacity.
Samantala, tiniyak ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na inaasahang ilalabas sa mga susunod na araw ang fuel subsidy para sa mga tsuper.—mula sa panulat ni Drew Nacino