Maghahain ng petisyon ngayong araw ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) hinggil sa umento sa sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP, hindi bababa sa P400 ang kanilang hihilingin na dagdag sa sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Region 10.
Sa ngayon kasi nasa P365 ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa kada rehiyon kabilang na dito ang Misamis Oriental, Misamis Occidental, Bukidnon, Lanao Del Norte at Camiguin.
Kabilang naman sa mga dahilan ng paghain ng nasabing petisyon ay ang patuloy na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo maging ang mga pangunahing bilihin sa merkado at serbisyo.
Sakali namang maaprubahan ang kanilang hiling, papalo sa mahigit P700 ang magiging minimum na sahod kada araw sa mga nabanggit na rehiyon. —sa panulat ni Angelica Doctolero