Libu-libo na naman umanong tobacco farmers at workers ang nanganganib na mawalan ng kabuhayan kapag itinaas ang Sin Tax sa tobacco sa ilalim ng panukalang Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Ito ang binigyang diin ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP sa kanilang liham kay Senate Ways and Means Committee Chairman Sonny Angara.
Ayon sa TUCP, ang sinumang nagpapanukala na taasan ang Sin Tax sa tabako ay bigong makita ang mga tinatamaan o naaapektuhang tobacco farmers at workers.
Nahaharap na naman umano ang mga ordinaryong manggagawa sa tobacco industry na mawalan ng hanap-buhay at ang malala ay hindi man lang mapakinggan ang kanilang tinig.
Ipinunto ng TUCP na kinikilala pa naman ng National Tobacco Administration ang local tobacco industry bilang isa sa mga pangunahing haligi ng ekonomya ng bansa at lifeblood ng mga taga-Norte.
Kaugnay nito, hinimok ng TUCP si Angara na pakinggan ang tinig ng mga tobacco farmer o worker dahil anumang dagdag sa Sin Tax ay may seryosong economic at social impact.
—-