Posibleng ngayong linggo na mabuo ang ikalimang bagyo sa bansa ngayong taon.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa ngayon dalawang Low Pressure Area (LPA) ang kanilang binabantayan.
Ang isa ay nasa loob ng Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) at ang isa ay nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Oras na makapasok sa PAR, posibleng sa weekend ito maging ganap na bagyo at tatawaging ‘Egay’ na ikalimang bagyo ngayong 2015.
Samantala maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa Kabisayaan at Mindanao.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pagkidlat-pagkulog ang iiral sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng Luzon.
Mahina hanggang sa katamtamang hangin ang iihip mula sa timog-kanluran ang iiral sa buong kapuluan na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan.
By Mariboy Ysibido