Nanindigan si Transportation Secretary Arthur Tugade na transparent siya sa kanyang financial standing sa gitna ng lumabas na report mula sa Pandora Papers na mayroon siyang offshore account.
Ayon kay Tugade, noong 2003 sila nag-invest sa solart holdings upang mapangalagaan ang bahagi ng cash assets ng kanyang pamilya.
Lehitimo anya ang pagpapalago nila sa kanilang financial portfolio sa pamamagitan ng solar tulad ng ginagawa ng ibang negosyante na nag-da-diversify o naglalagay ng kanilang assets sa iba’t ibang investment accounts.
Sa dokumentong nakalap ng International Consortium of Investigative Journalists, iginiit ng Philippine Center for Investigative Journalism na hindi inilabas ni Tugade ang kanyang offshore investments na nagkakahalaga ng P57 milyon bilang assets kada taon buhat noong 2012.
Gayunman, iginiit ni Tugade na kasama sa sinumpaang statement of assets, liabilities and networth ang lahat ng kanyang assets sa ilalim ng ‘personal properties – intangible’, partikular ang ‘offshore investments’ mula 2012 hanggang 2020.—sa panulat ni Drew Nacino