Pinababalik ng Department of Health o DOH sa French Pharmaceutical Company na Sanofi Pasteur ang mahigit isang bilyong piso na ibinayad nito sa pagbili ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Kasunod pa rin ito ng kontrobersiya sa maanomalyang pagbili ng nasabing bakuna na lumikha ng pangamba sa mahigit 100,000 mag-aaral na naturukan nito.
Nakasaad sa ipinadalang liham ni Health Secretary Francisco Duque III kay Sanofi Pasteur Asia Pacific Head Thomas Triomphe, dapat sagutin ng Sanofi ang gastos para sa mga isasagawang pagsusuri sa mga batang nabakunahan ng dengvaxia.
Malinaw naman aniyang bigo ang dengvaxia na makamit ang clinical at safety benefits dahil sa mga depektong nakita rito ng Sanofi na siyang naglagay sa peligro sa mga batang tumanggap nito.
Kasalukuyan nang hinihintay ng DOH ang ilalabas na tugon ng pamunuan ng Sanofi hinggil sa usapin.
—-