Inihahanda na ng Busan Universal Rail Incorporated o BURI ang sagot nito sa ipinadalang “notice to terminate contract” ng Department of Transportation o DOTr bilang maintenance provider ng Metro Rail Transit o MRT-3.
Ayon kay Atty. Charles Mercado, legal counsel at spokesman ng BURI, hindi sila ang dapat sisihin ng DOTr sa lahat ng problema sa MRT.
Giit pa ni Mercado, matagal nang problema ng MRT ang mga aberya ng tren kahit noong hindi pa sila ang maintenance provider nito.
Samantala, itinanggi rin ni Mercado ang akusasyon ng DOTr na hindi sila bumibili ng spare parts ng mga bagon at riles.
Sa katunayan aniya sila pa umano ang nahihirapan dahil hindi naman sila nababayaran sa mga binibili nilang spare parts.
Matatandaang, kabilang sa naging dahilan ng DOTr sa pagkansela ng kontrata ng BURI ang hindi umano maayos na trabaho nito at kabiguang maglatag ng procurement plan para sa pagbili ng mga spare part ng mga bagon at riles.
—-