Pinagpapaliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano.
Ito’y makaraang mag-viral sa social media ang larawan ng alkalde kasama ang kaniyang mag-anak na nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa kasagsagan ng malawakang pagbaha sa lungsod.
Ayon kay DILG Spokesman Usec. Jonathan Malaya, bilang ama ng bayan ay dapat inuuna nito ang kapakanan ng kaniyang nasasakupan bago ang kaniyang sariling kapakanan.
Una rito, ipinaliwanag ni Mayor Soriano na nangyari ang selebrasyon ng kaniyang kaarawan noong panahon na wala pang babala ng bagyo sa kanilang lungsod at may basbas naman ito ng pamahalaang panlalawigan.
Bagama’t pabalik na silang mag-anak sa Tuguegarao noong Biyernes subalit naunsyami ito dahil hindi na madaanan ang North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa pagbaha dulot ng mga pag-ulan.