Handang magpaliwanag si Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano sa Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pagiging missing-in-action sa kasagsagan ng pagbaha sa kaniyang nasasakupan dulot ng Bagyong Ulysses.
Tiniyak ito ni Soriano matapos muling bigyang diin na wala namang storm signal sa Tuguegarao nang umalis siya kasama ang kaniyang pamilya para ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.
Sinabi ni Soriano na hindi na niya hihintayin ang official communication mula sa DILG dahil nakapaghanda na siya ng kaniyang paliwanag.
Iginiit ni Soriano na pabalik na rin siya ng lungsod noong ika-12 ng Nobyembre subalit hindi na makadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) kaya’t ng sumunod na araw o ika-13 ng Nobyembre na siya nakabalik sa Tuguegarao.
Kaagad naman aniya siyang ang take over sa kanilang operations center para sa rescue operations nang bumalik siya ng Tuguegarao, bagamat nakamonitor naman siya sa sitwasyon sa lungsod kung saan naikasa naman kaagad ang preemptive evacuation.
Inamin ni Soriano na nagsisisi siyang umalis pa ng Tuguegarao kasabay ang paghingi ng paumanhin sa nasabing insidente.