Umaabot na sa 805 pribadong paaralan sa elementary at highschool ang aprubado nang magtaas ng tuition fee ngayong school year.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Jesus Mateo, umabot sa 1,000 pribadong paaralan ang nag-apply sa kanila para magtaas ng matrikula subalit hindi lahat ay naaprubahan.
Pinakamataas anyang pagtaas ay 29 percent samantalang 1.25 percent ang pinaka mababa.
Tiniyak ni Mateo na nakasunod sa lahat ng requirements ng DepEd ang mga paaralang pinayagan nilang magtaas ng tuition fee kasama na ang konsultasyon sa mga estudyante at mga magulang.
“Hinihingaan nga natin sila ng financial statement tapos yung tax return, maliban dito kailangan merong konsultasyon sa mga magular, dapat magpakita sila ng attendance sheet, certified by the Secretary na ito nga yung mga taong umattend ng konsultasyon na ito.” Ani Mateo.
Aminado rin ang DepEd na marami nang estudyante mula sa pribadong paaralan ang naglilipatan sa public schools na wala tuition fee.
Gayunman, sinabi ni DepEd Asst. Secretary Jesus na isa rin sa mga posibleng dahilan ay dahil karamihan sa mga teachers sa private schools ay naglilipatan na rin sa mga public schools.
“Pero hindi naman po siguro yun yung dahilan kasi unang-una makikita din natin sa data natin yung ibang guro ng pribadong eskwelahan, hindi po yung malalaki ha, yung ordinary private school, naglilipatan po sa pampublikong paaralan kasi ang sabi nila na ang sahod sa pampublikong paaralan ay mas mataas sa sinasahod nila ngayon.” Pahayag ni Mateo.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit