Aabot sa 2,727 ang mga nailigtas na inidibiduwal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Navy Capt. Jonathan Zata, nagmula ang halos 3,000 indibiduwal na kanilang nasagip sa National Capital Region (NCR), Bicol Region at sa lalawigan ng Rizal.
Walo namang nasawi ang kanilang narekober sa Bicol, Calabarzon at Zambales habang siyam naman naitala nilang missing o nawawala.
Kasunod nito, inanunsyo ni AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay na kanila nang inilunsad ang Tulong Bayanihan para sa tuloy-tuloy na relief operations ng AFP sa mga pamilyang naapektuhan ng mga bagyong Rolly at Ulysses.
Sa pamamagitan nito ani Gapay, bubuksan nila ang mga kampo militar upang doon dalhin ang mga tulong mula sa mga nagmamalasakit at nagmamagandang loob sa kanilang kapwa upang ihatid ang mga ito sa mga biktima ng kalamidad.