Tila kumambiyo na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Amerika makaraang sabihin nito na malaki ang maitutulong ng nasabing bansa sa Pilipinas.
Ito’y matapos ulanin ng mura at batikos ang Amerika mula sa Pangulo dahil sa anito’y pakikialam sa kaniyang kampaniya kontra iligal na droga gayundin ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa kaniyang talumpati sa ika-116 na anibersaryo ng Battle of Balangiga, kinilala ng Pangulo ang mga nagawang tulong ng Amerika sa Pilipinas noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig.
Bagama’t binabatikos ng Pangulo ang mga ginawang karumal-dumal ng Amerika sa mga Pilipino noong panahon ng digmaan, sinabi ng Pangulo na bumawi naman ang Amerika nang makalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga Hapon.
Balangiga Bells
Umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na maibabalik pa ng Amerika sa Pilipinas ang makasaysayang mga kampana ng Balangiga ng Samar.
Sinabi ng Pangulo sa ika-16 na anibersaryo ng Battle of Balangiga, nanawagan ang Pangulo sa US Congress na tulungan ang kanilang Pangulong si Donald Trump na maisakatuparan ang pagbabalik sa mga kampana.
Gayunman, aminado ang Pangulo na may katagalan ang proseso dahil sa may ilang mga Amerikanong beterano aniya ang tutol dito.
Kasunod nito, tiniyak ng Pangulo na hindi na mauulit ang madilim na bahaging iyon ng kasaysayan at wala nang anumang pagmamay-ari ng Pilipinas ang maaaring dalhin bilang premyo sa digmaan
—-