Pinasalamatan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang matagumpay na pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa Pilipinas.
Sa ilang araw na pagbisita ni Kamala, nangako ang kanilang bansa na maglalaan ng kaukulang pondo bilang suporta sa pagpapabuti ng kapasidad sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Harris magbibigay sila ng karagdagang pondo para sa pagsasaayos ng mga pasilidad sa PCG na patuloy na lumalaban sa iligal na pangingisda at pagprotekta sa malawak na katubigan ng Pilipinas.
Nabatid na kinikilala umano ng Amerika ang serbisyo ng ahensya lalo na sa pagbabantay ng kanilang mga tauhan sa teritoryo at karagatang sakop ng bansa.
Ayon sa PCG, ang ilalaang pondo ay magagamit din para maitaas ang kalidad ng kani-kanilang monitoring system at equipment.
Matatandaang isa ang PCG sa mga nagbigay ng seguridad kay Harris sa pagpunta nito sa Palawan para makipagkita sa mga residente ng Puerto Princesa nito lamang Martes sakay ng BRP Teresa Magbanua kasama si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson.
Bukod pa dito, pinasalamatan din ang patuloy na pagbibigay ng US ng mga pagsasanay para mapalawak ang kakayahan ng mga PCG personnel partikular na sa larangan ng maritime security, law enforcement, at maritime safety.