Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi mapapabayaan ang mga residenteng maaapektuhan ng tumaas na volcanic activity ng bulkang Taal.
Ayon sa DSWD, sa pamamagitan ng kanilang field office sa region IV-A na umaasiste sa lokal na pamahalaan, maipapaabot ang tulong na kinakailangan ng mga maaapektuhang residente.
Sa ngayon aniya ang kanilang field office ay mayroong mahigit P2 milyong pisong halaga ng family food packs habang mahigit P8 milyong halaga naman ng relief supplies na nakahanda para sa repacking.
Bukod dito nakahanda rin ang standby funds na nagkakahalaga ng P8.3 milyong na maaaring gamitin sakaling kailangan dagdagan ang emergency relief supplies.
Kasabay nito, hinimok ng kagawaran ang mga residente na mag ingat, maging mapagmatiyag at sumunod sa mga direktiba ng otoridad para sa kanilang kaligtasan.