Dumating na sa India ang dagdag na tulong mula sa international community para mapigilan ang pagsirit pa ng bilang ng mga nasasawi rito dahil sa COVID-19.
Kasunod na rin ito nang naitalang panibagong record ng halos 4,000 o nasa 3, 689 na bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa India kahapon matapos maitala rin ang halos 400,000 bagong kaso ng virus.
Ayon sa report 120 ventilators ang dumating sa India nitong weekend mula sa Germany matapos ilarawan ni Ambassador Walter Lindner ang sitwasyon sa nasabing bansa na kulang na kulang sa oxygen kaya’t kahit sa mga sasakyan na lamang ay namamatay na ang mga pasyente.
Bukod pa sa ito sa walong oxygen generator plants at 28 ventilators na donasyon ng France sa India.
Una nang nagpadala ng oxygen concentrators at ventilators ang Amerika, Russia at United Kingdom kung saan din isang grupo ng mga doktor nito ang nag-alok ng long distance telemedicine para tulungan ang Indian doctors na bumitiw sa ibang sakit at pagtuunan na lamang ng atensyon ang COVID-19 patients ng bansa.
Pinaigting pa nitong nakalipas na weekend ng India ang pagbabakuna nito sa gitna na ring mahabang pila ng mga nais magpaturok ng COVID-19 vaccine.