Posibleng kunin na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tulong ng militar sa pagpapatupad ng community quarantine protocols sa bansa.
Sa isinagawang briefing ng pangulo sa presidential guest house sa Panacan, Davao City, kanyang sinabi na hindi kabilang sa plano ng pamahalaan ang gumamit ng puwersa ng militar sa pagpapatupad ng mga lockdown.
Gayunman, mapipilitan aniya siyang kunin ang tulong ng militar para mapasunod ang mga sumusuway sa community quarantine protocols.
Sinabi ni Pangulong Duterte, sa mga nakalipas na araw may nakita silang mga positibo at nakalulungkot na resulta sa patuloy na laban ng bansa kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa pangulo, kasabay ng pagpapaibayo sa kapabilidad ng bansa sa pagtest at pinaigting na contact tracing, nakikita rin ang patuloy na pagtaas sa naitatalang kaso ng COVID-19 lalo na sa National Capital Region (NCR).
Samantala, iniatas ni Pangulong Duterte ang pagdedeploy ng mga pulis na magbibigay ng transportasyon sa mga contact tracers para mapabilis ang pagtukoy sa mga posibleng nakasalamuha ng isang COVID-19 patient.