Nangatwiran si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa hindi pagtanggap sa alok ng National Democratic Front (NDF) sa pagtulong sana ng NPA o New People’s Army sa mga sundalong tumutugis sa Maute Group sa Marawi City.
Ayon kay Lorenzana, hindi nila maaaring tanggapin ang tulong ng NPA dahil terorista rin ang turing nila sa mga ito.
Matatandaang bukod sa NPA, nangako rin ng tulong ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na kung pupunta sa kanila ang mga rebelde na may dalang armas ay pasusukuin lang nila ang mga ito.
Lorenzana at Malaysian Defense Minister magpupulong
Magpupulong sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Malaysian Defense Minister Hishammuddin Hussein ngayong Sabado.
Ayon kay Lorenzana, kabilang sa posibleng mapag-usapan nila ni Hussein ay kung paano maipalalakas pa ang ugnayan ng dalawang bansa upang labanan ang terorismo.
Idinagdag pa ni Lorenzana na ito ang dahilan kung kaya’t minamadali na nila ang pagresolba ng kaguluhan na kagagawan ng Maute Terror Group at Abu Sayyaf Group sa Marawi City.
By Meann Tanbio