Naglaan na ang Estados Unidos ng karagdagang 6.6 milyong dolyar o P330-M bilang tulong para sa rehabilitasyon at recovery ng mga komunidad na naapektuhan ng bakbakan sa Marawi City.
Dahil dito, umabot na sa 20.9 milyong dolyar o mahigit isang bilyong piso ang kabuuang kontribusyon ng Amerika.
Ipadadaan ang karagdagang tulong sa United States Agency for International Development (USAID) sa pamamagitan ng pagbibigay ng hanapbuhay at iba pang oportunidad sa mga residente ng Marawi.
Ayon kay US Ambassador to the Philippines Sung Kim, partikular na mapagkakalooban ng tulong ang mga pinakaapektado ng limang (5) buwang sagupaan.
Ang nasabi aniyang financial assistance ay patunay na nagpapatuloy ang pag-suporta ng Amerika sa kaibigan at kaalyado nito sa long-term recovery upang matiyak na mas magiging mapayapa ang Mindanao sa hinaharap.