Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang alam sa hininging tulong ng Pilipinas sa Amerika para masugpo ang teroristang grupong Maute sa Marawi City.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang presensya ng ilang tropang Amerikano para sa intelligence sharing nito sa mga sundalong Pinoy sa lugar.
Ayon sa Pangulo, hinahayaan niya lamang si Defense Secretary Delfin Lorenzana na gampanan ang kanyang tungkulin bilang ito ang itinalagang Martial Law administrator sa Mindanao.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
May basbas ng ISIS
Muling binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko na kumukuwesyon sa idineklara niyang Martial Law sa Mindanao.
Sa kanyang pagbisita sa mga sugatang sundalo at pulis sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City, sinabi mismo ng Pangulo na may basbas ni ISIS leader Abu Bakr Al-Baghdadi ang nasabing pag-atake sa Marawi City.
Natural lamang aniyang ipagtanggol ng pamahalaan ang seguridad ng bansa at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan nito lalo’t matagal nang nakapuwesto ang mga terorista sa Mindanao.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
Kasunod nito, sinabi ng Pangulo na sa panahon ng higit na pangangailangan, wala aniya siyang ibang mapagpipilian kundi ang ideklara ang Batas Militar maging ito man ay labag o hindi sa kanyang kalooban.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte