Itinutulak ng isang grupo ang mga hakbang upang mapalakas ang sektor ng mga manggagawa sa agrikultura, tulad ng pagpapalago ng farm tourism at paghahatid ng paunang tulong pinansyal para sa mga iba’t ibang proyekto at kagamitan.
Pahayag ni Atty. Filemon Ray Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, sa pamamagitan ng programang ito, hangad nilang makapagbukas ng mas maraming trabaho at oportunidad sa sektor ng agrikultura at turismo.
Maliban dito, malaking tulong na rin aniya ito sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang kasapi ng agrikultural na komunidad.
Iginiit ng Trabaho Partylist spokesman na mahalaga ang tulong pinansiyal upang matiyak ang maayos na pagsisimula ng mga proyekto.
Ayon kay Javier, ang paunang suporta ay makapagbibigay sa kanila ng kakayahan at kagamitan upang mapaganda ang kanilang sakahan at magamit ito bilang tourist attraction.
Tiniyak naman ng Trabaho Partylist na patuloy itong magmo-monitor at magbibigay ng karagdagang suporta sa mga proyektong may oportunidad na lumago.
Sinasabing ikakasa rin dito ang regular na pagsusuri upang masigurong natutugunan ang mga pangangailangan ng mga kalahok, lalo na sa mga lugar na mabilis ang pag-usbong ng farm tourism.
Kaya naman, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya, makikipagtulungan din ang Trabaho Partylist sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makatulong sa marketing ng mga farm tourist spots.
Ilalatag din ang mga kampanya upang makahikayat ng mga lokal at dayuhang turista na bumisita sa mga lugar na ito, kasabay ng pagpapaunlad ng mga serbisyong handog ng mga farm owners.