Puspusan na ang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan upang tulungan ang mga lugar na niyanig ng magkakasunod na lindol.
Maliban sa mga local government units, nakakalat na sa mga apektadong barangay sa Regions 11 at 12 ang search and rescue teams ng Office of Civil Defense at Bureau of Fire Protection.
Kumikilos na rin ang Dept. of Public Works and Highways para suriin ang structural integrity ng mga gusali at imprastraktura sa mga apektadong lugar.
Maging ang mga regional directors ng Philippine National Police ay naatasan na ring gawing prayoridad ang pagtulong sa mga lugar na apektado ng lindol.
Samantala, ang Phillippine Air Force ang naatasang magdala ng mga relief goods.
Umusad na rin ang mga barko ng Philippine Coastguard na magdadala ng relief goods para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.
Ayon kay Commander Armand Balilo, spokesman ng Philippine Coast Guard, sampung trucks ng pagkain at tents ang paunang nai-byahe patungo sa tanggapan ng DSWD sa Mindanao.
Kabilang anya rito ang 15,000 food packs at 1,000 tents na pangunahing kailangan ngayon ng mga biktima ng lindol.