Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tulong para mga residenteng naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng patuloy na pag-ulan dahil sa hanging amihan at shear line.
Ayon kay DSWD Region 10 Director Ramel Jamen, sinimulan na nila ang pamamahagi ng food and non-food items sa 9,342 pamilya o katumbas ng 45,687 indibidwal sa mga probinsya ng Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin, at Bukidnon.
Ito’y matapos ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magsagawa ng relief operations sa mga probinsyang naapektuhan ng kalamidad partikular na sa Visayas at Mindanao.
Samantala, sa pahayag naman ni DSWD Region 8 Director Grace Subong, nakahanda na ang 45,000 food packs at P10-M halaga ng standby funds para sa mga bayan ng Eastern Samar kabilang na ang Jipapad, Oras, Arteche, Mercedes, Taft at Giporlos.
Bukod pa dito, naglaan din ng mahigit P56-M bilang quick response fund at karagdagang mahigit P75-M na pondo para naman sa mga field office.