Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga manggagawang Pinoy na naapektuhan ng Hurricane Dorian sa Bahamas.
Kasunod ito ng reklamo ng isang Filipino nurse sa Bahamas na ipinagwalang – bahala lamang umano ng ilang empleyado ng OWWA ang hiling na tulong ng kanyang mga kapwa OFWs.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac, sinimulan na nilang gawin ang package ng financial assistance na ibibigay sa mga OFW sa Bahamas.
Pagtitiyak ni Cacdac, maipalalabas at maipamamahagi na aniya ito ngayong linggo sa tulong ng Philippine Overseas Labor Office – Washington D.C
Samantala, kasabay ng paghingi ng paumanhin, nangako si Cacdac na paiimbestigahan at parurusahan ang mga empleyado ng OWWA na sinasabing nambalewala sa mga OFWs sa Bahamas.