Siniguro ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa ang gobyerno na tumugon sa bagyong Lawin.
Ito ay kahit nasa China pa ang Pangulo para sa kanyang apat na araw na state visit.
Ipinagmalaki ng Pangulo na lahat ay nasa tamang pwesto partikular ang mga mitigation team ng national at local government.
Aniya, kumikilos na rin ang Health, Social Welfare Department upang siguruhing mayroong relief goods at medicine kit sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Binigyang diin ng Pangulo ang kooperasyon ng publiko para maibsan ang matinding epekto ng bagyo.
Cagayan and Isabela
Maaga pa lamang kahapon ay namigay na ng relief goods ang ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Isabela.
Ito’y dahil sa pananalasa ng super bagyong Lawin sa maraming lugar sa hilagang Luzon.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Maconacon, Isabela Mayor Ma. Lycelle Kate Domingo na ala-1:00 pa lamang ng hapon ay namahagi na sila ng tulong sa mga residenteng lumikas sa mga evacuation center.
Kaya naman, ayon kay Domingo, nang tumama sa kalupaan ang bagyong Lawin ay nakapaghanda na sila at naihatid na ang relief goods sa mga apektadong mamamayan.
Bagama’t maayos ang kalagayan ng mga evacuees, sinabi ni Mayor Domingo na nahihirapan silang kumilos dahil maaga ring nawala ang kuryente sa kanilang lungsod.
Binayo rin nang husto ng bagyong Lawin ang lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba na matinding tinamaan ang bayan ng Peñablanca at Tuguegarao City.
Ayon kay Mamba, maging siya ay hindi kaagad nalaman ang sitwasyon ng kanyang mga kababayan dahil sa sobrang lakas ng bagyo.
Sinabi ng Gobernador na tinatayang 23,000 katao ang lumikas sa iba’t ibang evacuation center sa probinsya.
By Rianne Briones | Jelbert Perdez | Balitang Todong Lakas