Ipinag-utos ni Department of Migrant Workers secretary Susan Ople sa Overseas Workers Welfare Administration ang pagbibigay ng tulong sa Overseas Filipino Workers sa Japan na naapektuhan ng Typhoon Nanmadol.
Maliban sa OWWA, inatasan din ni Ople ang Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) na patuloy na bantayan ang sitwasyon ng mga OFW, gayundin ang pagiging handa sa pagkakaloob ng tulong sa mga ito.
Nabatid na nasa 13,904 OFWs ang saklaw ng POLO-Osaka na nananatiling ligtas sa Typhoon Nanmadol, kung saan 5,368 OFWs ang nasa Fukuoka, 660 sa Saga, 1,001 sa Nagasaki, 2,520 sa Kumamoto, 1,607 sa Oita, 786 sa Miyazaki, at 1,962 sa Kagoshima.
Mayroon namang 22,000 OFWs na sakop ng POLO-Tokyo.
Samantala, inatasan na rin ni Ople ang Polo at iba pang labor officials sa Taiwan na magbigay sa kanya ng updates matapos ang malalakas na lindol na tumama sa lugar.