Bigo ang Philippine Army na ipamahagi ang P47. 6-million na halaga ng tulong-pinansyal sa mga sundalo nito na nasugatan sa gulo sa Marawi City mula May hanggang October 2017.
Ayon sa Commission on Audit (COA) annual audit report ng Philippine Army, nasa kabuuang P47. 6-million mula sa P235-million na tulong sa army personnel ang nananatiling hindi nagagamit hanggang December 2018.
Samantala, ipinabatid ng COA na nasa P147-million ang donasyon para sa financial assistance sa mga legal beneficiary ng killed in action na tauhan ng army.
Mula sa naturang halaga, P128.5-million ang nagamit na.
Nagamit na rin ang P40.122-million sa biyahe ng mga babaeng army personnel sa Hong Kong para sa observation tour hinggil sa kaligtasan at seguridad.
Subalit lumalabas sa audit sa disbursement vouchers at mga dokumentong pang-suporta sa naturang utilization, lumampas ang army ng P9.98-million na tulong pinansyal sa 118 certified killed-in-action beneficiaries.
Inatasan ng COA ang Army na ipaliwanag ang overpayment sa mga pamilya ng mga napatay sa Marawi.
Sinabi naman ni Army Spokesman Lt. Col. Ramon Zagala na gumagawa pa sila ng sagot sa nasabing COA report.