Pinamamadali na ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration ang pagproseso sa tulong na ibibigay ng pamahalaan sa pamilya ni Felma Maramag.
Si Maramag ang Overseas Filipino Worker (OFW) na pinatay sa bansang Jordan kasama ang kanyang employer noong Pebrero 5 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, makatatanggap ang pamilya ni Maramag ng P200,000.00 bilang death benefit, P20,000.00 bilang burial assistance, scholarship para sa 15 taong gulang niyang anak at tulong pangkabuhayan para sa mister ng yumao na nagkakahalaga ng P15,000.00.
Magugunitang nai-uwi na sa kanilang tahanan sa Tuguegarao sa Cagayan ang labi ni Maramag na natagpuan ng Jordan Police makaraang rumesponde sa natanggap nilang tawag na umano’y may sunog sa tahanan kung saan nagtatrabaho ang OFW.
By Jaymark Dagala |With Report from Aya Yupangco