Tuloy ang laban ni Senador Grace Poe hanggang sa Korte Suprema upang patunayan na kuwalipikado siyang tumakbo sa presidential elections at hindi siya nagsinungaling sa kanyang certificate of candidacy.
Ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Poe, maghahain sila ng motion for reconsideration sa desisyon ng COMELEC Second Division na i-disqualify si Poe dahil kulang pa ang panahon ng paninirahan niya Pilipinas.
Shocked! aniya ang kanilang reaksyon sa naging desisyon ng COMELEC dahil hindi organisado at hindi malinaw sa isinulat nilang desisyon kung ano ang gusto nilang sabihin.
Inihalimbawa ni Garcia ang pahayag ng COMELEC Second Division sa kanilang desisyon na mabigat ang kalooban nilang i-disqualify si Poe at wala naman silang nakitang misrepresentation sa kanyang COC.
Binigyang diin ni Garcia na kung sa paniniwala ng COMELEC ay walang misrepresentation o hindi nagsinungaling si Poe sa kanyang COC, ang dapat nilang ginawa ay ibinasura ang kaso laban sa senador.
“Sa bandang huli po ay ang Korte Suprema ang magdedesiyon dito, kaya lang po nakakalungkot sapagkat practically itong COMELEC sasabihing walang nationality ang isang napulot sa ating bansa, walang pagkakakilanlan, hindi po totoo yan, hindi po puwedeng mangyari yan, pangalawa hindi puwedeng wala siyang 10 taon, binilang po nila yung 10 taon mula sa kanyang pagkuha muli ng kanyang pagiging Filipino citizen, hindi po puwede yun, sinabi na ng Korte Suprema, ang 10 taon ay dapat ibilang kahit na hindi pa siya Filipino citizen.” Paliwanang ni Garcia.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas